gusto kong sumulat
ang nasa dibdib isiwalat
nais kong ipagkalat
saya ng buhay at alat
suot-suot ko yaring singsing mo
alalagaan ko maging ang puso mo
isang pangako ako'y laging iyo
buhat nuon, di pa rin nagbabago
may mga tumutol man sa ating relasyon
kumontra man sa atin maging ang panahon
isa lamang duon ang aking itutugon
pag-ibig sa isa't-isa ang sa ati'y magbabangon
sinubukan na nga tayo maging ng tadhana
pinilit iginupo ng pighati't luha
maging malupit maging ang madla
hanggang sa tayong dalawa'y naghiwalay kusa
maraming taon tayo'y magkahiwalay
nangyayari sa isa't-isa wala tayong malay
sarili'y tinatanong ano nga bang saysay
ang patuloy na mabuhay kung kabiyak di kaagapay
naging matatag tayo parehong di sumuko
sa paghahanapan di man lang nahapo
dumating ang araw muli nga tayong nagtagpo
kapanipaniwala bang pag-ibig nati'y nanatiling buo?
ngunit bakit ganun mayroon pa ding balakid
may natitira pang tanikalang lubid
di na ba maaalis yaring mga bikig
hanggang kailan natin titibayan ang ating mga dibdib?
nais ko mang ngumiti sa kabila ng lungkot
minsan di ko magawa, gusto ko la'y lumimot
bakit ang buhay ay masalimuot
sing gubat ng bundok, sing lalim ng laot
kaarawan ko ngayon dapat masaya
kumpleto na sana dahil kapiling ka
ngunit isa pa ang aking hihilingin
ang dumating ang araw na ika'y buong akin.
4:37p